Walumpung (80) taon na ang lumipas noong ang isang imbitasyon ay nagbunga ng paaralang nakaugat sa pananampalataya, tinutulak ng layunin, at tinawag na maging mahusay. Ngayong Hulyo 25, 2026, natapos na ang tatlong araw na pagdiriwang sa walong dekadang paglilingkod, pag-aaral, at pagpapatuloy sa serbisyo.
Ang gabi’y nagsimula sa mga salita ng Directress at Principal Sr. Pinlyn B. Dahili OP. Sa kanyang mensahe, binanggit niya ang mga pagsubok na dinaranas ng SMA noong ito’y itinayo pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Binigyan niya ng tuon ang mga paghihirap na tiniis at mga sakripisyong ginawa ng mga nagtatag ng paaralan. Subalit, binanggit din niya na ang kanilang paghihirap ay hindi kailanman nasayang sapagkat ito’y nagbunga ng libo-libong mga mag-aaral na umaapaw ang kasanayang namumukod-tangi.
Pagkatapos ng mensahe, nagsalo ang alumni, mga kawani, at mga bisita sa inihandang piging. Sumunod ang sayaw ng SMA Performing Arts Organization (SMAPAO) Kultura’t Galaw. Sa bawat kaway ng kamay at apak ng paa, ito’y nagpapahayag ng isang kuwento: ang puso’t diwa ng kulturang Pilipino.
Kasunod nito ang pagbibigay-pugay sa mga indibidwal na tumulong at nanatiling naglilingkod sa SMA. Unang binigyan ng parangal ang alumni at ang mga nagbigay-ambag sa paaralan noong ito’y isang munting silid pa lamang. Ang mga taong nagbigay ng paraan upang ang SMA ay patuloy na lumago at umunlad. Binigyan din ng pagpupugay ang mga Dominican Sisters na namamahala at nagtataguyod sa institusyon, ito ay sina Sr. Pinlyn B. Dahili, OP, Sr. Luzmin Oani, OP, Sr. Regina Torres, OP, at Sr. Liezel Padilla, OP.
Dagdag pa, binigyan din ng pagkilala si Fr. John Mark Mijares bilang “School’s Chaplain”.
At bukod sa kanila, binigyan din ng papuri ang mga gurong patuloy na nagtuturo ng lima, sampu, at dalawampung taon na sa institusyon.
Binigyan ng gantimpala si Bb. Diane Gamay, LPT at Bb. Judith Huerto, LPT sa kanilang paglilingkod ng limang taon. Binigyan naman ng gantimpala si G. Fidel Bomitivo sa kanyang sampung taong walang tigil na pagseserbisyo. At sa kahulihan, binigyan ng gantimpala si G. Ely E. De Silva, Jr., LPT sa kanyang matatag na paglilinkod sa mga mag-aaral at sa institusyon.
Sa paglalim ng gabi, nagbigay ng mensahe ang Director for Academic Services Sir Ely E. De Silva Jr., LPT, tungkol sa tema ng pagdiriwang: “Rooted in Faith, Driven by Purpose, Called to Shine”. Kanya ring ipinahayag na ang SMA ay nananatili pa rin sapagkat ito’y piniling manatili ng mga mag-aaral, mga magulang, mga guro, at ng taumbayan.
Sa kabuuan ng tatlong araw na pagdiriwang, nagtapos ang selebrasyon ng Ika-80 Anibersaryo ng Pagtatatag ng St. Michael Academy sa pamamagitan ng Grand Gala Night. Gayunman, nananatiling buhay ang misyon at adhikain ng SMA, na patuloy na isinasabuhay ang tema ngayong taon: “Rooted in Faith, Driven by Purpose, Called to Shine.”
Balitang Lathalain | Ed Benedict Montances at Eliah Samantha Tan
Mga Larawan | Trixie Ching, Eliah Tan, at Bianca Magdaraog














